Inihain ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang Senate Resolution 777 na humihiling sa Senate Committee on Agriculture, Food, at Agrarian Reform na magsagawa ng pagdinig ukol sa sitwasyon ng mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea (WPS).
Layunin ng pagdinig na makita kung nabibigyan ng proteksyon ang karapatan ng mga Pilipinong mangingisda habang tinitiyak ang pagpapatuloy ng kanilang kabuhayan at sapat na pagkain.
Ang hakbang ni Pangilinan ay sa harap ng patuloy na pag-aangkin ng China sa lugar ng kabuhayan ng ating mga mangingisda sa WPS.
Giit ni Pangilinan, mahalagang manindigan ang gobyerno laban sa panggigipit ng China para maitaguyod ang ating pambansang interes at upang masiguro ang kapakanan ng mga Pilipino lalo na ang ating mga mangingisda.
Nababahala din si Pangilinan sa balita na nagtatapon umano ng dumi ang China sa WPS bagama’t sinabi ng mga kinauukulang opisyal ng pamahalaan na ito ay walang katotohanan.