Sa pagpapatuloy ng pagbusisi ng Senado sa vaccination program ay ilalaban ng mga senador na pahintulutan ang mga Local Government Units (LGUs) at pribadong sektor na direktang bumili ng COVID-19 vaccine.
Giit ni Senate President Vicente Sotto III, kung hindi na idadaan pa sa national government ay maari ring makapamili ang LGUs ng bakuna na ibibigay sa kanilang mga constituents.
Dahil dito ay planong imbitahin din sa pagpapatuloy ng Senate hearing sa Biyernes ang mga LGUs at pribadong sektor.
Sa pagdinig nitong Lunes ay binigyang-diin ng mga senador na mas madadali na makamit ang tagumpay ng vaccination program kontra COVID-19 kung hindi imo-monopolize ng national government ang pagbili ng bakuna.
Ikinatwiran naman ng Inter-Agency Task Force (IATF), Food and Drug Administration (FDA) at Department of Health (DOH) na dapat dumaan sa national government ang pagbili ng bakuna dahil underdeveloped o nasa Phase 3 trials pa ang mga COVID-19 vaccine kaya sa pamahalaan lang nakikipagtransaksyon ang mga pharmaceutical companies.