Manila, Philippines – Isang magandang pagkakataon ang anibersaryo ng New People’s Army bukas March 29 para sila magnilaynilay kaugnay pa rin sa nalalapit na paggunita ng Semana Santa.
Ayon kay AFP PAO Chief, Marine Col Edgard Arevalo, napapanahon ang okasyong ito para pagnilayan ng NPA ang kanilang existence o kung bakit sila nabuo at patuloy na naririto sa mundo.
Aniya pa na dapat na seryosong mapagtanto ng NPA na mali ang ginagawa nilang panggigipit o pananakot sa mga sibilyan, pangingikil at paninira ng mga gamit sa mga bukid o construction areas at mga pampublikong transportasyon.
Lalo na aniyat desidido ang kanilang mga kaalyadong grupo na magkasundo na para sa usapang pangkapayapaan.
Sa panig naman ng gobyerno, sinabi ni Arevalo na pursigido rin ang tropa ng pamahalaan na magapi ang mga rebelde sa pamamagitan ng pagneutralize sa kanilang mga armadong rebelde.
Pero marapat ding bigyan ng pagkakataong makabalik sa normal na pamumuhay ang iba sa mga ito lalo na ang mga sumusuko nilang mga kasamahan.