Ilagan City, Isabela – Kung ang pinakamataas na rating ay 10, nasa 9.9 porsyento na umano ang kahandaan ng Probinsya ng Isabela sa gaganaping Bambanti Festival sa ika 22 hanggang 27 ng Enero ngayong taon.
Ito ang kumpiyansang pahayag ni Ginoong Jessie James Geronimo, Capitol Information Officer, sa ginawang panayam ng RMN Cauayan News Team kahapon, Enero 19, 2018.
Sa isinagawang pulong kahapon ng umaga sa Governor’s Office Mini Conference Room, na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t-ibang sangay at ahensya ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabel, gaya ng Finance Committee, Ways and Means Solicitation Committee, Security, Traffic and Parking Management, Minor Surgery Service Committee at Reception Committee, naging sentro ng usapan ang mga hakbang upang maging ligtas at masaya ang gagawing pagdiriwang.
Tinalakay sa nasabing pulong ang mga paraan para sa maayos na daloy ng trapiko, pagbabantay sa seguridad ng publiko, paglalaan ng budget sa mga pa-premyo, at kahandaan ng serbisyong medikal.
Gaya ng nakasanayan tampok pa rin sa Bambanti Festival 2018 ang paggawa ng Bambanti Booth, Bambanti Scarecrow, Street Dance, Dance Showdown, Festival King and Queen, Makmakan ken Mainum, Chorale Competition at ang pinakabagong naisama sa hanay ng paligsahan ang Photography Contest na may temang “Makiselfie Kay Bambanti” na pinaglaanan ng 10 libong piso at libreng Grand Concert ticket na premyo.
Sa patuloy na ginagawang paghahanda para sa Bambanti Festival 2018, inaasahan naman ng mga naatasang mangasiwa sa pagdiriwang na maidadaos ng masaya at matiwasay ang selebrasyon na sumisimbolo sa kultura at tradisyon ng mga Isabeleño.