Pagdiriwang ng ika-19 Founding Anniversary ng TOG2-PAF, Matagumpay

Cauayan City, Isabela- Ipinagdiriwang ngayong araw, October 7, 2021, ang ika-19 na Founding Anniversary ng Tactical Operation Group 2, Philippine Air force na may temang “Ibayong Paglilingkod na may Diwa, Galing at Malasakit tungo sa Kapayapaan at Kaunlaran sa kabila ng Pandemya at kalamidad.”

Dinaluhan ito ng ilang matataas na opisyal ng Philippine Air Force sa pamamagitan ng virtual ceremony.

Ayon kay TOG2 Commander LTC Sadiri Tabutol, patuloy silang magbibigay ng air power para sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaunlaran sa buong rehiyon dos na kanilang mandato ng pagseserbisyo sa bayan.


Ibinida rin nito ang ilang aktibidad ng kanilang pwersa gaya na lamang ng pagtugon sa malawakang pagbaha sa Cagayan at Isabela noong nakaraang taon dahil sa bagyong Ulysses, rapid damage assessment and need analysis sa mga apektadong lugar sa nagdaang bagyong Kiko kung saan minadali nila ang paghahatid ng Family Food Packs at medical supplies dahil sa tindi ng pinsala sa Batanes.

Ipinagmalaki naman ni LTC Tabutol ang naging deklarasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) region 2 bilang drug-free workplace.

Nagsagawa rin ng leaflet dropping, disaster response, rescue operations at paghahatid ng 150,000 na bakuna sa Batanes at Coastal Areas.

Samantala, pinuri naman ni BGen. Araus Robert Musico, ang Wing Commander ng Tactical Operation Northern Luzon PAF ang mga nagawa ng TOG2 sa nakalipas na 12 buwan.

Inisa-isa naman ni Musico ang mga parangal na natanggap ng TOG2 gaya ng AFP Battle Streamer nito lamang Pebrero matapos ma-dismantle ang guerilla front sa Nueva Vizcaya, pagbibigay ng airpower support sa nakaraang bakbakan ng pamahalaan at makakaliwang grupo sa Sta. Teresita at ang pagbuo ng Supreme Student Council Society of the Philippines -Isabela chapter.

Bukod dito,pinarangalan naman ang ibang personnel ng TOG2 na nagpamalas ng kanilang dedikasyon sa trabaho.

Nagpasalamat naman si Tabutol sa ibinigay na suporta ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, stakeholders at media.

Facebook Comments