*Ilagan City, Isabela- *Muling ipinagdiriwang ng Diocesan Youth Apostolate ng Ilagan Diocese ngayong araw ang kanilang ika-25 Anibersaryo kasabay sa paglulunsad ng Year of the Youth dito sa Lalawigan ng Isabela.
Ang naturang aktibidad ay dinaluhan ng isang libong mga kabataan mula sa iba’t-ibang bayan bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa Philippine Year of the Youth sa darating na taong 2019.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Jeisen Mark Colcol, Director General ng naturang aktibidad, isa itong magandang aktibidad ng Ilagan Diocese upang mailapit ang mga kabataan sa buong Lalawigan ng Isabela sa simbahan.
Aniya, sa henerasyon ng mga kabataan ngayon ay marami na umano ang napapalayo sa paglilingkod sa Diyos kaya’t sa pamamagitan ng ganitong aktibidad ay mahikayat ang mga ito na magkaisa at maging aktibo sa paglilingkod sa Diyos.
Dagdag pa rito ay nagkaroon pa ng vigil, plenary session at parada habang bukas naman bilang huling araw ng aktibidad ay magkakaroon ng misa kaya’t naglalagay na rin ng mga tent ang mga dumalong kabataan sa mismong compound ng St. Michael Cathedral upang mapaghandaan ang kanilang misa bukas.
Samantala, nananawagan naman si ginoong Colcol sa lahat ng mga kabataan na nais mapabilang sa kanilang organisasyon na magtungo lamang sa mga malapit na simbahan upang mabigyan ng sapat na impormasyon.