Itinuturing ng Manila Police District (MPD) na mapayapa ang pagdiriwang ng Labor Day ngayong araw.
Ito ay bagama’t naharang ng mga otoridad ang mga sasakyang gamit ng mga manggagawa na magrarally sana sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.
Dinala ang mga ito sa MPD Station 4 pero agad din namang pinabalik ang mga sasakyan sa Quezon City area habang ang iba ay pinabalik sa bahagi ng Northern Police District.
Napakiusapan naman ni MPD Chief Brig. General Leo Francisco ang grupo ng mga manggagawa na nagtipon-tipon malapit sa University of Santo Tomas sa España Blvd.
Agad namang umatras ang mga ito patungo ng Mabuhay Rotonda.
Nilinaw naman ni Francisco na kinikilala ng MPD ang karapatan ng mga manggagawa, subalit kailangang maging responsable aniya ang lahat dahil sa banta ng pandemya kung saan ipinagbabawal ang mass gathering.