Ipinaalala ni Senate President pro tempore Ralph Recto sa malakanyang na dapat nitong ilista sa 2020 national budget ang mga proyekto na paggagamitan ng road user’s tax.
Ang nabanggit na buwis ay mula sa mga nagpaparehistro ng sasakyan sa Land Transportation Office o LTO.
Paliwanag ni Recto, ang malakanyang na ang tutukoy kung paano gugugulin ang nabanggit na buwis dahil binuwag na ng kongreso ang road board dahil sa umano’y mga pag-abuso at katiwalian ng ilang nanunungkulan dito.
Nakapaloob sa batas na dapat lang itong gamitin sa construction, upgrade, repair at rehabilitation ng mga kalsada, tulay at drainage.
Sa pagkakaalam ni Recto ay mahigit 46-billion pesos ang road user’s tax collection na hindi pa nagagalaw hanggang sa huling bahagi ng 2018 at ngayong taon ay inaasahang madadagdagan pa ito ng halos 14-billion pesos.