Inirekomenda ng Food and Drug Administration (FDA) sa Department of Health (DOH) ang pagpapatuloy sa paggamit ng AstraZeneca COVID-19 vaccine sa edad 59 pababa.
Ito ay matapos magsagawa ng masusing pagrerebisa at paghimay ang mga eksperto sa gitna ng usapin ng blood clotting o pamumuo ng dugo at pagbaba ng platelet count sa mga nabakunahan nito.
Ayon kay FDA Director General Usec. Eric Domingo, sumulat na siya kay DOH Secretary Francisco Duque III para ipabatid na hindi mapanganib ang benepisyo ng AstraZeneca vaccine at maaari ng ituloy ang paggamit nito.
Aniya, wala namang naitalang blood clotting sa bansa ang National Adverse Events Following Immunization Committee (NAEFIC) gaya sa nangyari sa Europe at sa ibang parte ng mundo.
Nilinaw rin ni Domingo na bagama’t sinuspinde ang pagbabakuna ng AstraZeneca, hindi nangangahulugan na delikado at hindi epektibo ang nasabing bakuna.