Pinasalamatan ni Senator Francis Tolentino ang Inter-Agency Task Force (IATF) sa pagpapahintulot sa paggamit ng bisikleta habang hindi pa bumabalik ang pampublikong transportasyon dahil sa mga umiiral na community quarantine.
Magugunitang sa pagdinig ng Committee on Public Services ay nauna ng iginiit ni Tolentino ang paggamit ng bisikleta kahit sa mga pangunahing lansangan dahil nakakasunod ito sa social distancing na pangunahing paraan para makaiwas sa COVID-19.
Hinihikayat naman ni Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe ang pamahalaan na maglagay ng tamang bike lanes bilang alternatibong paraan ng transportasyon lalo na sa sitwasyon ngayon dulot ng pandemya.
Isinulong naman ni Senator Pia Cayetano na maging bahagi ng ‘new normal’ ang pagbibisikleta dahil bukod sa makakaiwas na sa COVID-19 ay makakabuti din sa kalusugan.
Kaugnay nito ay inihain ni Cayetano ang Senate Bill Number 1518 na nag-aatas sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Transportation (DOTr) na lumikha ng pop-up bicycle lanes at emergency pathways.
Sa panukala ni Cayetano ay ilalagay ang bike lanes patungo sa mga essential destination gaya ng mga ospital at paaralan kung magbubukas na ang mga ito.
Nakapaloob din sa panukala na dapat gumawa ang mga Local Government Unit (LGU) ng emergency pathways sa mga local road para madaanan ng mga naglalakad, nagbibisikleta at ng gumagamit ng iba pang non-motorized vehicles lalo na kapag rush hour.