Ikinukunsidera na rin ng Department of Tourism (DOT) ang paggamit sa bansa ng COVID-19 digital travel pass bilang requirement sa mga turista na siyang global travel standards.
Ito ay bilang paghahanda na rin sa pagbubukas ng international travel sa sandaling matapos na ang travel restrictions ng iba’t ibang bansa dulot ng pandemya.
Ang naturang plano ay kasunod na rin ng ginawang pakikipagpulong ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa International Air Transport Association (IATA) at sa local tourism industry leaders.
Sa ngayon, 20 airlines at airline groups na ang nag-adopt ng IATA Travel Pass bilang trial basis.
Ang IATA Travel Pass ay may 4 na open-sourced at interoperable modules tulad ng:
1. Travel Pass App na magbibigay daan sa mga pasahero para magkaroon ng digital passport, kung saan mabeberipika nila ang kanilang COVID tests o vaccinations sa regulatory authorities, at maisusumite ang kanilang requirements tulad ng test results o vaccination certificates na kakailangan sa pagbiyahe;
2. Registry of Health Requirements kung saan ang pasahero ay makakakuha ng impormasyon sa biyahe, testing at vaccination requirements;
3. Registry of Testing/Vaccination Centers na makakatulong sa mga pasahero sa paghahanap ng COVID-19 testing centers at laboratories sa kanilang departure o arrival locations;
4. Lab App na mag-ootorisa sa COVID-19 testing centers at laboratories na magpadala ng COVID test results o vaccination certificates sa mga pasahero.
Ang IATA ay binubuo ng 290 airlines o 82 percent ng total commercial air traffic sa buong mundo kung saan kasapi ang Cebu Pacific at Philippine Airlines.