Paggamit ng cyanide ng mga mangingisdang Chinese sa Bajo de Masinloc, iimbestiigahan ng pamahalaan

Iimbestigahan ng National Security Council (NSC) ang umano’y paggamit ng cyanide ng mga mangingisdang Chinese sa Bajo de Masinloc.

Ito’y kasunod ng mga sumbong ng mga mangingisdang Pilipino sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na sinasadya umano ng mga Chinese vessel na sirain ang coral environment para hindi makapangisda.

Sa Bagong Piilipinas Ngayon, sinabi ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya na inatasan na nila ang BFAR na mangalap ng mga ebidensya at testimonya mula sa mga Piilipinong mangingisda.


Sa oras aniya na makumpleto ang report at ma-validate ang mga testimonya, isusumite ito sa National Task Force on West Philippine Sea at ipapadala sa Department of Justice (DOJ) at Office of the Solicitor General (OSG).

Posible rin aniyang mapalakas ng mga makakalap na ebidensya ang planong pagsasampa ng kaso sa kung saan mang tribunal para sa environmental degradation.

Giit ni Malaya, hindi dapat balewalain ang ganitong insidente at hindi hahayaan ng pamahalaan na masira ang marine environment ng mga umaangkin sa mga teritoryo ng Pilipinas.

Facebook Comments