Paggamit ng e-vehicles, isinusulong ng DOE at DOST

Bukas ang Department of Energy (DOE) at Department of Science and Technology (DOST) sa mga programang nagsusulong ng paggamit ng mga alternatibong mapagkukuhanan ng enerhiya tulad ng paggamit ng electric vehicles o e-vehicles.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DOST Usec. Rowena Guevara na dahil sa mahal ng produktong petrolyo ay maaaring gumamit ng mga e-vehicle.

Kung kaya’t hinihikayat nito ang mga kompanya ng langis na maglagay sana ng charging stations sa mga gasolinahan.


Paliwanag pa nito, mayroon na ring charging stations sa mga probinsya na nag-adopt ng ganitong teknolohiya sa mga sasakyan o iyong tinatawag na CHARM o charging in minutes.

Ayon pa kay Guevara, kung dati ay umaabot ng walong oras para mag-charge ng baterya ng mga e-vehicle, ngayon ay napababa na ito sa 30 minuto na lamang.

Malaking tulong ani Guevara sa kalikasan ang paggamit ng e-vehicles dahil wala itong pino-produce na masamang emission o maitim na usok tulad ng nakikita sa mga regular na sasakyan.

Sa ngayon, sinabi ni Guevara na mayroon silang partnership kasama ang DOE para maisulong naman ang paggamit ng e-tricycle.

Facebook Comments