Pinagsabihan ni Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas ang Employers Confederation of the Philippines o ECOP na huwag gamitin ang mga pangkaraniwang negosyante para kontrahin ang hirit na ₱750 na dagdag sa minimum wage.
Reaksyon ito ni Brosas sa pahayag ng ECOP na mabigat sa panig ng mga negosyante lalo na sa mga nabibilang sa Micro and Small Enterprises o MSMEs ang panukalang dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa buong bansa.
Diin ni Brosas, ang tunay na kinakatawan ng ECOP ay mga malalaking korporasyon na karamihan ay kasama sa 1,000 top corporations sa bansa na kayang kaya balikatin ang ₱750 increase sa minimum wage ng kanilang mga empleyado mula sa napakalalaki nilang kita.
Bunsod nito ay iginiit ni Brosas sa ECOP na tigilan na ang pag-aastang spokesperson at tagapagtanggol ng MSMEs dahil sa akwal ay interes ng malalaking negosyo sa bansa ang kinakatawan nito.
binaggit ni Brosas na sa ilalim ng panukala o House Bill 7568 ay bibigyan naman ng wage subsidies ang MSMEs at small landowners na kukuha ng mga agricultural worker.