Paggamit ng face shield, ihihinto lang kapag marami na ang nabakunahan laban sa COVID-19

Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole na pinamumunuan ni Senate President Tito Sotto III ay nanindigan ang Department of Health (DOH) na ipapahinto lang ang paggamit ng face shield kapag marami na ang nabigyan ng COVID-19 vaccine.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ngayon ay kailangan pa ang face shield bilang dagdag proteksyon laban sa COVID-19, kaakibat ang paggamit din ng face mask at pagsasagawa ng social distancing.

Kaugnay nito ay pinapasumite ni SP Sotto kay Secretary Duque ang listahan ng mga bansa na nagpapagamit ng face shield sa kanilang mamamayan.


Paliwanag naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, proteksyon ang face shield kung may biglang bumahing o umubo kaya mandatory itong isuot sa mga pampublikong sasakyan, malls, palengke at sa mga establisyemento.

Pinaalalahanan naman ni Senator Panfilo Lacson ang Inter-Agency Task Force (IATF) na maging flexible sa kanilang panuntunan para sa mga umuuwing Pilipino sa bansa dahil may pagkakataon na kailangan ng adjustments.

Facebook Comments