Tahasang sinabi ni Senator Imee Marcos na nakakahiya at walang kwenta ang pag-alok ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvstre Bello III sa mga Filipino nurses sa Germany at United Kingdom (UK) kapalit ng COVID-19 vaccine.
Diin ni Marcos, mas lalong pang nakakahiya nang tablahin ng gobyerno ng United Kingdom ang alok ni Secretary Bello.
Giit ni Marcos, hindi “baboy” ang ating mga nurse na ibenebentang buhay para lang magkaroon ng bakuna para sa mga Pilipino.
Paalala ni Marcos, ang mga nurse natin ay dapat prayoridad din na mabigyan ng bakuna kaya tigilan ang ganitong mga alok na nakakababa ng tingin sa kanilang hanay.
Ikinakatuwa naman ni Marcos kung totoong nag-o-offer ang UK at Germany ng maayos na trabaho at benepisyo para sa ating health workers.
Dahil dito ay nasambit ni Marcos na buti pa ang UK ay may pagpapahalaga at nais bigyan ng trabaho ang ating mga nurse, taliwas sa ginagawa ng DOLE na tila pagturing sa kanila bilang commodities na pang-barter lang sa bakuna.