Umapela si Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong sa Metro Pacific Tollways (MPT) na ipagpaliban sa Enero ang implementasyon ng fully automated na koleksyon sa mga tollways.
Balak kasi ng MPT na operator ng North Luzon Expressway (NLEX), Subic–Clark–Tarlac Expressway (SCTEX) at Manila-Cavite Expressway na gumamit na ng Radio Frequency Identification (RFID) tags sa November 2.
Giit ni Ong, bukod sa premature ay hindi napapanahon ang plano ng MPT dahil daan-daang toll booth operators na nagsusumikap maka-survive ngayong may pandemya ang tiyak na mawawalan ng trabaho.
Marami rin aniya sa mga motorista ang ayaw magpakabit ng RFID tags at gumamit ng iba pang electronic toll cards dahil may mga kanya-kanyang RFID at easy pass lanes ang toll operators na hindi magkakaugnay.
Nilinaw ni Ong na hindi siya tutol sa cashless tollway operation, pero dapat aniyang ipatupad ito kapag integrated na ang sistema ng lahat ng tollway operators.
Ito ay para isang RFID na lamang ang gagamitin ng mga motorista sa iba’t ibang toll gates imbes na paiba-iba at depende pa kung saang expressway.