Iginiit ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Partylist Representative Bernadette Herrera na ma-institutionalize o magkaroon ng batas para sa paggamit ng guarantee letters ng mga mahihirap na pasyente na nasa pribadong ospital.
Ang guarantee letter ay mula sa Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang kinauukulang ahensya ng pamahalaan at institusyon katulad ng Kongreso.
Tinitiyak nito ang pagbabayad sa bahagi ng hospital bill ng isang maralitang pasyente na naka-confine o nagpapagamot sa isang pribadong ospital.
Ayon kay Herrera, maghahain siya ng panukalang batas dahil hindi sapat ang memorandum order na inilabas noon ni dating Health Secretary Francisco Duque III na nagpapahintulot sa mga indigent patient na magpresenta ng guarantee letters sa mga private hospital na may umiiral na memorandum of agreement o MOA sa DOH at DSWD.
Paliwanag pa ni Herrera, nakita rin nitong pandemya na kawawa at labis na namroblema sa pambayad ang mga mahihirap na napilitang magpagamot sa mga pribadong ospital dahil umapaw ang pasyente sa mga pampublikong ospital.
Sabi ni Herrera, tugon din ang ihahain niyang panukala sa kadalasang problema nilang mga mambabatas sa pagkakaroon ng MOA sa mga private hospitals para sa kanilang guarantee letters.
Binanggit ni Herrera na marami kasing pribadong ospital ang ayaw ng pumasok sa MOA dahil sa maraming utang sa kanila ng PhilHealth.