Paggamit ng maiden surname ng mga babaeng hiwalay sa asawa, hindi na dadaan sa korte

Manila, Philippines – Kasunod ng mga panukalang isinusulong sa Kamara tulad ng civil union, dissolution of marriage, pagpapabilis ng proseso ng annulment at diborsyo, inihain naman ni Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang panukalang batas na magpapadali para sa mga babaeng hiwalay na gamitin ang “maiden surname”.

Sa House Bill 6028 na inihain ni CGMA, o “Reversion to Maiden Act” mas mapapadali ang proseso ng pagbabalik sa paggamit ng babae ng kanyang maiden surname na hindi na dumadaan sa korte.

Kapag may desisyon na ang korte sa paghihiwalay ng mag-asawa, maghahain na lamang ang babae ng petisyon sa Office of Civil Registrar at hindi na sa korte para magamit muli ang kanyang apelyido noong dalaga pa.


Sa kasalukuyang batas, bagamat may kalayaan ang babae na kapag naikasal ay maaari nitong hindi gamitin ang apelyido ng asawa, pero sa oras na dalhin na nito ang apelyido ng lalaki mula sa mga dokumento, IDs at iba pang papeles ay wala namang kapangyarihan ang babae na gamitin muli ang kanyang maiden surname.

Layon ng panukala ni Arroyo na maigiit ang karapatan ng mga kababaihan.

Ang Civil Registrar, DOJ, DFA at Office of the Supreme Court Administrator ang siya namang bubuo sa rules and regulations sa oras na maging ganap na batas ang panukala.

Facebook Comments