Iginiit ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga na maraming foreign corporations ang gumagamit ng ‘dummy’ at nakakalusot sa mahigpit na probisyon ng foreign ownership sa ilalim ng Konstitusyon.
Ito aniya ang dahilan kaya napapanahon na para amyendahan ang Saligang Batas.
Paliwanag ni Barzaga na isa ring abogado, gumagamit ng ‘dummy’ ang mga dayuhan para makapagmay-ari ng mga kompanya sa bansa.
Aniya pa, ilang mass media companies rin ang nakakapag-operate sa bansa gamit ang mga ‘dummies’ na isang direktang paglabag sa ating Konstitusyon.
Sinabi pa ng kongresista na nararapat lamang na amyendahan na ang economic provisions dahil matagal na panahon na rin namang nilalabag at nakakalusot ang mga foreign corporations sa bansa.
Binigyang diin pa ng kongresista na nawawala rin ang kailangang Foreign Direct Investments (FDI) ng bansa dahil sa mahigpit na economic provisions.