Paggamit ng PhilPost para sa mail-in-voting, dapat munang pag-isipan ayon sa isang kongresista

Pinaghinay-hinay ni Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun ang Commission on Elections (COMELEC) sa paggamit ng postal mail na pamamaraan sa pagboto sa 2022 elections sakali mang tumagal ang COVID-19 pandemic.

Ayon kay Fortun, miyembro ng Committee on Suffrage and Electoral Reforms, ang mail-in-voting ay makakatulong upang epektibong maipatupad ang mga hakbang para mapanatili ang integridad ng eleksyon gayundin ay magiging ligtas ang mga botante laban sa banta sa kalusugan ng COVID-19.

Magkagayunman, tutol naman ang kongresista sa paggamit ng serbisyo ng Philippine Postal Corporation sa posibleng adoption ng voting by mail.


Aniya, wala nang kumpyansa sa paggamit ng PhilPost at postal services sa buong bansa dahil bukod sa kakaunti na ang tumatangkilik sa serbisyo nito bunsod ng paglipat sa makabagong teknolohiya ay nababawasan na rin ang kanilang mga tanggapan at mga empleyado.

Maliban dito ay lantad din ang institusyon sa political influence mapalocal o national level.

Sa halip ay inirekomenda ni Fortun sa COMELEC ang pagkuha ng serbisyo ng mga private courier services na may mas maayos na posisyon at mayroon nang national coverage, sapat na seguridad at GPS tracking na titiyak sa pagdadalhan ng mga balota.

Hiniling din ng mambabatas sa komisyon na gamitin din ang sistema ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa ligtas na pag-transport at pag-iingat sa mga balota at iba pang election paraphernalia.

Facebook Comments