Ipagbabawal na ng Department of Environment and Natural Resources o DENR ang paggamit ng ‘single-use plastics’ sa buong bansa dahil sa masamang epekto nito sa kalikasan.
Ayon kay DENR Secretary Roy Cimatu na kinukumpleto na lamang nila ang gagawing kautusan ng ahensiya at kanila na itong ipatutupad sa buong bansa.
Nabatid na ang Pilipinas ay ikatlo sa mga bansa sa buong mundo na may pinakamataas na polusyon sa mga nakalutang na basurang plastik sa karagatan na umaabot sa 2.7 milyon metriko tonelada.
Sa interview ng RMN Manila kay DENR Undersecretary Benny Antiporda –sinabi nito na kanilang pasusing pinag-aaralan ang ipalalabas na direktiba sa pagban ng ‘single-use plastics’, gaya kung paano ang gagawing pag-recycle sa mga ito.
Base sa 2019 report ng Department of the Interior and Local Government (DILG), may 140 na sa 178 Local Government Units (LGUs) sa Metro Manila, Region III, at Region IV-A ang nag-apruba sa ‘solid waste management plan.’