Pinag-aaralan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pagbabawal sa mga eskwelahan na gumamit ng social media sa pagbibigay ng homework o proyekto.
Ayon kay Information Technology Officer Gen Macalinao, mas hinihikayat ang pagkakaroon ng official online platform ang paaralan imbis na social media gaya ng Facebook.
“‘Pag online, dapat may official platform. Puwede rin namang email, through text,” ani Macalinao.
Paliwanag niya, kadalasang natutukso ang mga bata na gumawa ng ibang bagay sa social media imbis na mag-focus sa pag-aaral.
“Gusto sana natin i-veer away ‘yung mga bata, hangga’t maari, from social media. That’s why we will require an official platform should they resort to giving the assignments online,” ani Macalinao.
Nag-ugat aniya ang hakbang sa reklamo ng ilang magulang tungkol sa mga guro na idinadaan sa Messenger o Facebook ang pag-aanunsyo ng mga takdang-aralin.