Itinanggi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang alegasyon na gumagamit sila ng mga substandard na aspalto na ginagamit bilang pantapal sa mga butas na kalsada.
Sa naging panayam kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, hindi tamang pagbintangan ang kanilang tanggapan ng mga ganitong uri ng alegasyon lalo na’t puspusan ang kanilang mga hakbang upang maisaayos ang mga sira-sira at lubak-lubak na pangunahing kalsada.
Aniya, bunsod ng mga sunod-sunod na ulan ay maraming kalsada ang nasisira at nagkakaroon ng butas dahil sa pagbaha kung saan ang ginagamit nila ang aspalto para pantapal dito.
Paliwanag pa ni Bonoan, natatanggal din ang mga pinantapal nilang aspalto dahil sa muling pagbuhos ng ulan o kaya naman ay matagal humupa ang baha.
Iginiit pa ng kalihim na may mga kalsada naman na ginamitan nila ng aspalto ang tumatagal at hindi nasisira kung kaya’t huwag sana silang paratangan na gumagamit ng substandard na materyales.
Nabatid na ang pahayag ni Bonoan ay kasunod ng pagpuna ni Senator JV Ejercito na dapat ay de-kalidad na aspalto at materyales ang gamitin sa pagkukumpuni ng kalsada upang hindi na ito masira at hindi isailalim sa paulit-ulit na pagsasaayos.