Iminungkahi nina Senators Bong Go, Joel Villanueva at Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang paggamit sa pondo ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA para agarang matulungan ang mga Pinoy sa gitnang silangan.
Ayon kay Senator Go, merong standby fund ang OWWA na maaring gamitin sa sitwasyon ngayon sa Middle East na bunga ng tensyon sa pagitan ng Amerika at Iran.
Paliwanag naman ni Senator Villanueva, kahit hindi makapagpasa agad ng supplemental budget para sa repatriation ng mga Pilipino sa Middle East ay mayroon naman 65-million pesos ang OWWA para sa repatriation.
Sabi ni Villanueva, nakapaloob ito sa batas para sa pambansang budget ngayong taon na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Diin naman ni Senator Zubiri, sadyang ipinilaan ang nabanggit na pondo sa OWWA para sa mga emergency situations tulad ng nangyayari ngayon sa gitnang silangan.