Kinalampag ni Senate President Tito Sotto III ang National Telecommunications Commission (NTC).
Ito ay para aksyunan at tuldukan ang tumitinding paggamit sa text messaging sa pagsasagawa ng black propaganda para magkalat ng kasinungalingan at fake news na layuning sirain ang integridad ng isang personalidad o grupo.
Giit ni Sotto sa NTC, gamitin ang regulatory power nito para pakilusin ang mga telecommunication firms na pahintuin ang paggamit sa text messaging sa pagkakalat ng mali at hindi totoong mga impormasyon.
Hinala ni Sotto, maaring internal job o may kakuntsaba sa mga Telco ang mga nasa likod ng text scams kaya napasakamay nila ang phone numbers ng mga target nilang biktimahin o padalhan ng mapanira at hindi totoong impormasyon.
Pahayag ito ni Sotto sa harap ng pagkalat ng text messages na pinipilit umano nilang dalawa ni Senator Richard Gordon ang mga kasamahang senador na pumirma sa report ng Senate Blue Ribbon Committee.
Sa naturang committee report ay imaakusahan si Pangulong Rodrigo Duterte ng betrayal of public trust dahil sa mga naging aksyon nito na may kaugnayan sa Pharmally controversy.
Nirerekomenda din sa report na sampahan ng plunder, graft at iba pang criminal and administrative charges sina Health Secretary Francisco Duque III, iba pang mga dating opisyal ng gobyerno at mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation.