Asahan ang pagbusisi ng Senado kung paano ginamit ng pamahalaan ang pantugon sa COVID-19 crisis ang inutang na ayon sa Department of Finance ay umaabot na sa mahigit 7.7 billion dollars o mahigit 386 billion pesos nitong July 1, 2020.
Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, uunahin nila itong uusisain sa pagdinig ng Senado para sa panukalang pambansang budget sa taong 2021.
Sinabi ni Drilon, dapat maghanda ang mga miyembro ng gabinete ng report hinggil dito sa kanilang pagharap sa budget hearing.
Binanggit pa ni Drilon na may batas na nag-uutos sa mga taga-ehekutibo na magreport ukol sa pag-utang ng pamahalaan sa loob at labas ng bansa.
Nilinaw naman ni Drilon na suportado niya ang pag-utang ng bansa ngayong may pandemya dahil batid niya na kinakapos na ang pondo ng gobyerno bunga ng bumabang koleksyon ng buwis.