Umalma ang grupong Murang Kuryente sa ginagawang taktika ng San Miguel Corporation (SMC) sa ‘bid’ nito para itulak ang ‘coal-fired power plant projects’ kahit na may oposisyon mula sa consumers at environmental groups.
Ayon kay Murang Kuryente spokesperson Gerry Arances, naglabas ng pahayag si SMC President at COO Ramon Ang na magkakaroon ng serye ng ‘rotation blackouts’ sa 2020 hanggang 2022 .
Ito ay kung maantala raw ang approval sa konstruksyon ng mga power plants.
Aniya, nais ng SMC na magkaroon ng maraming power plants ngayon pero pinapagana ito ng napakamahal na presyo ng coal.
Ang panggatong na coal o uling ang pangunahing dahilan ng mataas na presyo ng kuryente at hindi mapagkakatiwalaang ‘power grid’ sa bansa.
Ito din ang dahilan kaya nagkaroon ng ‘power crisis’ na sa unang bahagi ng taon.
Maraming bansa ang umiiwas na gumamit ng coal dahil sa mataas na presyo, gayundin ang polusyong lilikhain nito, problema sa kalusugan at panlipunan.
Tinukoy ni Arances ang malaking generation company na nagrereklamo ukol sa mga regulasyon na siyang nagpapahintulot sa mga ‘power sector’ na patayin ang kita sa kapinsalaan ng mga konsyumer.
Iginiit pa ni Arances na sa kabila ng pag-ako ng Meralco at SMC sa renewable energy wala itong ginagawang hakbang upang bawasan ang coal projects nito kaya nasabi ng Asia Pacific Energy Research Center na ang proyekto ay magbibigay ng kuryente sa halos kalahati ng bansa sa susunod na 30 taon.