Hiniling ni Senator Grace Poe sa gobyerno na agad na aksyunan ang ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) hinggil sa ginawang panggigitgit ng isang barko ng Chinese Coast Guard sa West Philippine Sea (WPS).
Umaasa si Poe na hindi malulunod na lamang sa gitna ng kampanyang pampulitika ang panawagan ng PCG, habang patuloy na nagmamatigas ang China sa WPS.
Giit ni Poe, ito ay panganib sa gitna ng pagpalaot sa karagatan at humahadlang sa karapatan ng mga Pilipino na makinabang sa yamang-dagat sa loob ng ating Exclusive Economic Zone.
Ayon kay Poe, dapat magpahayag ng protesta ang pamahalaan kaugnay nito, kasabay ng patuloy na pagpapalakas sa mga diplomatikong inisyatibo kasama ng ibang mga bansa para ipagtanggol ang ating soberanya sa ating karagatan.
Hinggil dito ay pinuri naman ni Poe ang PCG sa aktibo nitong pagpapatrolya at pag-alerto sa mga otoridad ukol sa nasabing kaganapan.