Ilang senador, may birthday message kay Pangulong Duterte

Sa ika-77 kaarawan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ay binigyang diin ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang kaniyang utang na loob sa pangulo at sa katunayan wala aniyang Bato kung walang Digong.

Tinawag pa ni Dela Rosa na G.O.A.T President si Pangulong Duterte o Greatest Of All Time President.

Excited na rin si Dela Rosa sa pag-uwi ng pangulo sa Davao matapos ang anim na taon nitong panunungkulan bilang lider ng bansa.


Hangad naman ni Senator Christopher “Bong” Go ang maayos na kalusugan at marami pang masasayang kaarawan para kay Pangulong Duterte upang patuloy itong makapagsilbi sa kapwa.

Nagpasalamat din si Go sa marami niyang natutunan kay Pangulong Duterte na kaniyang idolo sa public service.

Sinabi ni Go na batid niya kung gaano kamahal ni Pangulong Duterte ang mga Pilipino kaya nagpapasalamat din siya sa lahat ng ginawa nito para sa bayan.

Birthday wish naman ni Senator Panfilo “Ping” Lacson kay PRRD ay good health at matiwasay na buhay kapag natapos na ang termino nito sa June 30.

Diin ni Lacson, bagama’t magkakontra sila ni Duterte sa maraming isyu ay hindi niya malilimutan ang kabutihang ginawa nito sa kaniya noong panahong may kinakaharap siyang matinding pagsubok sa buhay.

Si Senate President “Tito” Sotto III naman ay peace of mind, good health at blessed and happy birthday ang nais para kay Pangulong Duterte.

Facebook Comments