Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na generally peaceful ang paggunita ng Semana Santa sa buong bansa.
Sa isang panayam kay Col. Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP, naging maayos at payapa ang pangkalahatan ng Semana Santa.
Aniya, wala rin naitalang pagtaas ng eight focus crimes theft, rape, robbery, physical injury, murder, homicide, carnapping ng motorsiklo at ibang sasakyan.
Pero, giit ng opisyal na may ilan silang mga naitalang kaso ng insidente ng pagnanakaw at physical injuries.
Subalit, pinabulaanan ni Fajardo ang kumalat sa social media na tatlong insidente ng robbery dahil fake news ang mga ito matapos maberipika ng kanilang tauhan.
Kaugnay nito, pina-iimbestigahan na sa Anti-Cybercrime Group kung sinu-sino ang nasa likod ng pagpapakalat ng fake news.
Bukod dito, nakapagtala rin ang PNP ng 57 insidente ng pagkalunod mula noong Abril 1 at karamihan sa mga ito ay nangyari sa Regions 3 at 5.
Patuloy ang paalala ng PNP sa mga bakasyunista lalo na ang mga nais maligo sa swimming pool o dagat na mag-doble ingat habang ang mga magulang ay pinayuhan bantayan maigi ang mga anak kapag sila ay lumalangoy na.