Manila, Philippines – Tiniyak ngayon ng Malacañang na hindi makakaapekto o magpapabagal sa pagbawi sa mga sinasabing “ill-gotten wealth” ng mga Marcos ang nakatakdang pagbuwag ng duterte administration sa Presidential Commission on Good Government (PCGG).
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, mismong Office of the Solicitor General (OSG) ang nagsabing kayang-kaya nilang hawakan ang mga kasong may kinalaman sa nakaw na yaman ng mga Marcos.
Ayon kay Abella, ang OSG na ang humahawak sa mga Marcos ill-gotten wealth cases habang ang PCGG ang nangangasiwa sa administrative function na maaari na ring isalin sa OSG.
Kasabay nito, iginiit ni Abella na walang kinalaman sa pulitika o hangarin ng mga Marcos na makabalik sa kapangyarihan ang pagbuwag sa PCGG bagkus ito ay bahagi lamang ng “streamlining process” sa gobyerno para maiwasan ang “overlap” sa kanilang mga trabaho.