Pinuri ni Senator Richard Gordon ang paghahain ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., ng dalawang diplomatic protest laban sa pagiging agresibo ng China sa pinagtatalunang West Philippine Sea.
Diin ni Gordon, mahalaga ang naging aksyon ni Locsin na ipaglaban ang karapatan ng mamamayang Pilipino at ng ating bansa at dapat natin itong suportahan ng buong puso.
Ang unang diplomatic protest ay laban sa ginawang pagtutok ng radar gun sa barko ng Philippine Navy na nasa ating territorial waters.
Ang ikalawang diplomatic protest naman ay laban sa pagdeklara ng China na sakop ng Hainan province ang bahagi ng Philippine territory.
Sang-ayon si Gordon sa posisyon ni Locsin na ang mga ito ay paglabag sa international law at soberenya ng Pilipinas.
Una rito ay nagpahayag ng pangamba si Gordon sa inaprubahang batas sa China na nagpapahintulot sa Chinese Coast Guard na gumamit ng armas kapag may pumasok na foreign organization o indibidwal sa kanilang inaangking bahagi ng karagatan.
Diin ni Gordon, nakakaalarma at seryosong banta sa mga bansang claimants ng pinagtatalunang mga isla ang bagong batas ng China.