Cauayan City, Isabela-Agad na dinala sa pagamutan ang isang kapitan ng barangay na akusado sa pag-iingat ng iligal na baril at isang pulis makaraang magtamo ng tama ng bala ng baril sa kanilang katawan pasado alas-10:00 kaninang umaga sa Brgy. Manano, Mallig, Isabela.
Kinilala ang biktima na si Pcpl. Eduardo Santiago, 41-anyos, may-asawa, at nakatalaga sa Provincial Intelligence Unit (PIU) ng PNP Mallig na residente naman ng Cabatuan, Isabela.
Habang ang akusado ay kinilalang si Kapitan Jolly Ladiero, 53-anyos at residente ng Brgy. Trinidad sa bayan ng Mallig.
Lumalabas sa imbestigasyon ng PNP Mallig,pinara ni Santiago ang kapitan lulan ng isang tricycle kasama ang isang nagngangalang Eliseo Eclipse na kanyang pasahero para isilbi ang warrant of arrest nito na ipinalabas ng korte.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, agad na pinaputukan ng akusado ng baril ang pulis na kaagad namang gumanti ng putok ng baril ang pulis dahilan para kapwa sila magtamo ng sugat.
Narekober naman ang kalibre 45 na baril na may serial number 859983 at pag-aari ng kapitan.
Nabatid na sangkot ang kapitan ng barangay sa pag-iingat ng iligal na baril ng silbihan ito ng search warrant noon na ipinalabas ng korte.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa insidente.