Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda Jr., na hindi tumitigil ang Pambansang Pulisya sa paghahanap ng dalawang top fugitives na sina dating Bureau of Corrections Chief Gerald Bantag at Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr.
Bagamat tumanggi si Acorda na magbigay ng detalye kaugnay ng kanilang search operations sinabi nitong basta’t may hawak na arrest warrant ang PNP ay hindi sila titigil hanggang maisilbi ito sa 2 pugante.
Matatandaang may inilabas nang arrest warrant ang korte laban kay Bantag at sa kanyang deputy na si Ricardo Zulueta para sa pagpatay sa broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa noong Oktubre ng nakaraang taon.
Habang may arrest warrants na rin laban kay Teves at tatlong iba pa para sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at 9 na iba pa noong Marso.
Patuloy naman ang coordination ng PNP sa International Criminal Police Organization o Interpol para maaresto si Teves na umano’y nagtatago sa ibayong dagat.