Puspusan na ang ginagawang paghahanda ng transition team para sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Kabilang dito ang mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na una ng inayos ang mga kalsada sa paligid ng National Museum gayundin ang pagsasaayos ng kapaligiran katuwang ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Maging ang mga tauhan ng Meralco ay nagsagawa na rin ng reconductoring upang masiguro na walang magiging problema ang suplay ng kuryente sa araw ng inagurasyon sa June 30.
Kaugnay nito, naghahanda na rin ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Navy, Philippine Army, Philippine National Police (PNP), Philippine Air Force at Philippine Marines para sa gagawing rehearsal simula ngayong araw.
Mahigpit naman ang pagbabantay ng mga tauhan ng PNP sa paligid ng National Museum kasabay na rin ng ilang mga kalsada na isinara sa motorista para sa inagurasyon ni Marcos Jr.
Unti-unti na rin nakakaranas ng pagsikip ng daloy ng trapiko dahil sa mga isinarang kalsada partikular sa may bahagi ng Lagusnilad patungong Taft Avenue at Roxas Blvd., patungong Finance Road.