Manila, Philippines – Nagsilbing paghahanda para sa pag-host ng Pilipinas ng International Search and Rescue Advisory Group (INSARAG) Earthquake Response Exercise sa darating na Hunyo ang idinaos na 1st Quarter National Simultaneous Earthquake Drill.
Ito ang inihayag ni AFP Public Affairs office chief Lt. Col. Emmanuel Garcia matapos ang matagumpay na partisipasyon ng AFP sa National Earthquake Drill kahapon.
Sa naturang pagsasanay, pinangunahan ng Joint Task Force NCR ang lahat ng Humanitarian and Disaster Relief activities ng AFP sa buong Metro Manila mula sa Command Center sa Camp Aguinaldo.
Ayon kay Garcia, ang pag-host ng Pilipinas ng International Earthquake Response Exercise ay magiging magandang pagkakataon para ma-assess kung epektibo ang AFP Contingency Plan “Pagligtas” at AFP HADR Contingency Plan “Tulong Bayanihan.”
Ang mga planong ito ang ipatutupad ng AFP sa pagkakataon na tumama ang “The Big One” sa bansa.
Ang international exercise ay isasagawa sa Clark, Pampanga mula Hunyo 27 hanggang 29 ay lalahukan ng mahigit 400 personnel ng Urban Search and Rescue (USAR) teams mula sa iba’t-ibang bansa.