Inihayag ngayon ni DOH Regional Director Dr. Eduardo Janairo ang pagpapalawig ng code white alert sa mga hospital sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon bunsod na rin sa patuloy na pagbuhos ng matinding ulan na dala ng habagat.
Pinayuhan din ni Janairo ang mga residente sa mga nabanggit na lalawigan lalo na ang mga naninirahan sa mga mababang lugar at mga bundok na mag-ingat at maghanda dahil sa posibleng pagbaha at pagguho ng mga lupa dulot ng tuloy tuloy na pagbuhos ng ulan.
Base sa datos, June 12, 2018, nakapagtala ang DOH-Calabarzon Regional Disaster Risk Reduction & Management in health unit ng kabuuang 52 evacuee, apat na bahay din ang lumubog sa baha sa Sitio Bagbag, Barangay Prenza, Lian, Batangas.
Paliwanag ni Janairo na ilalim ng code white alert, ang lahat ng hospital at mga pasilidad pangkalusugan at mga medical staff gaya ng general and orthopedic surgeons, anesthesiologists, internists, operating room nurses, ophthalmologists at ang mga otorhinolaryngologist ay 24/7 na nakahandang tumugon sa panahon ng emergency at mga katulad na health incident.