Nasa blue alert status na ngayon ang mga Local Disaster Risk Reduction and Management Council ng CALABARZON, MIMAROPA, Ilocos Region, mga lalawigan ng Zambales at Bataan bilang paghahanda sa paparating na bagyo.
Ayon kay Karla Minorka Aldea ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) epektibo alas 5 ng hapon kahapon nang itaas sa blue alert ang local DRRM ng CALABARZON, MIMAROPA, Ilocos Region Zambales at Bataan matapos ang ginawang pagpupulong kahapon.
Paghahanda ito sa Low Pressure Area (LPA) na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa silangang karagatan ng Surigao del Norte na inaasahang magiging tropical depression na papangalanang “Domeng”.
Bagama’t hindi aniya inaasahang mag-landfall ang bagyo, inaasahan ng NDRRMC ang moderate to heavy rains sa western section ng Luzon, kabilang ang Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Ilocos Region, at mga lalawigan ng Zambales at Bataan simula sa Huwebes hanggang Linggo.
Inatasan na ng National Council ang lahat ng concerned local drmmc’s na magsagawa ng kaukulang paghahanda, habang ang DILG naman ay nagpalabas na ng advisories sa concerned LGU’s.
Tiniyak din ng DSWD na may standby funds at na nakahanda na ang mga kakailanganing food at non-food items kung saka-sakali, habang patuloy na mino-monitor ng NDRRMC operations center ang developments sa darating na bagyo.