*CAGAYAN- *Naghahanda na ang PNP Cagayan kaugnay sa nalalapit na pagdiriwang sa pasko at pagsalubong sa bagong taon.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Provincial Director Police Senior Superintendent Warren Tolito, patuloy at mas maigting ang kanilang pagbabantay ngayon sa mga matataong lugar gaya sa mga terminals at simbahan.
Patuloy anya ang kanilang pagpapaalala at pagbibigay impormasyon sa mga mamamayan para sa kanilang kaligtasan ngayong kapaskuhan at pagsalubong sa bagong taon.
Ito ay sa pamamagitan na rin ng kanilang isinasagawang Oplan Tambuli sa bawat lugar at pagbibigay impormasyon sa mga ipinagbabawal na paputok.
Batay sa RA No. 7183 ay mahigpit na ipinagbabawal ang mga paputok gaya ng Piccolo, Super Lolo, Atomic triangle, lolo thunder, goodbye philippines, large judas belt, large bawang, binladen, mother rocket, coke in can, watusi, pla-pla, Giant whistle bomb, pillbox, atomic bomb at Cabasi.
Inihayag din nito na may mga itinalagang designated firecracker at fireworks display area sa bawat lugar ayon na rin sa Executive Order 28 na pinirmahan ni Pangulong Duterte.
Samantala, pinag-iingat na rin ng kapulisan ang publiko sa mga ligaw na bala kung saan tinututukan na rin ng kanyang pamunuan ang pagbabantay sa mga loose firearms.