All systems Go na ang Quezon City Local Government para sa muling pagbabalik ng Chinese New Year celebration sa lungsod na idaraos sa Banawe Street, kilalang Chinatown sa Quezon City.
Kabilang sa mga aktibidad ay ang spring food festival at bazaar na magsisimula ng alas-10:00 ng umaga.
Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, sumisimbolo ang pagbabalik ng Chinese New Year celebration sa muling pagbangon ng lungsod mula sa epekto ng pandemya at pagkilala rin sa malaking kontribusyon ng Filipino-Chinese community sa paglago ng ekonomiya.
Kaugnay nito, simula naman sa sabado, Jan. 21, bandang alas-9:00 ng gabi ay pansamantalang isasara sa mga motorista ang bahagi ng Banawe Street, mula Cuenco Street hanggang Quezon Avenue.
Pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa mga alternatibong ruta dahil sa inaasahang pagbagal ng daloy ng mga sasakyan sa lugar at pagdagsa ng mga lalahok sa pagdiriwang.
Kaugnay nito, sinabi ni Quezon City Police District Chief PBGen. Nicolas Torre III na magpapakalat siya ng 600 pulis para tiyakin ang kaligtasan ng mga dadalo sa Chinese New Year celebration.
Patuloy namang hinihikayat ng QC-LGU ang mga makikiisa sa selebrasyon na sumunod pa rin sa health protocols tulad ng pagsusuot pa rin ng face masks para maingatan ang kalusugan sa panahon na maraming tao ang magtitipon-tipon sa okasyon.