PNP, muling nakatanggap ng manifesto of support sa pagpapareretiro ng kanilang 3rd level officers

Nagpahayag narin ng suporta ang Philippine Military Academy Alumni Association Incorporated (PMAAAI) hinggil sa isinasagawang internal cleansing sa hanay ng Pambansang Pulisya.

Ito ay kasunod nang hamon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos na maghain ng courtesy resignation ang mga 3rd level officers ng Philippine National Police (PNP).

Ayon sa PMAAAI suportado nila ang hakbang na ito ni SILG Abalos upang tuluyang mawala ang mga tinaguriang police scalawags o ninja cops.


Sinabi pa ng mga retiradong kasapi ng PMAAAI na umaasa sila na kapag naging matagumpay ang internal cleansing sa PNP ay lalakas pa ito bilang isang organisyon at malilinis mula sa ilegal na droga na siyang yumuyurak sa imahe ng Pambansang Pulisya.

Nabatid na mula noong January 18, 2023 ay nasa 941 o katumbas ng 98.74% mula sa kabuuang 953 mga koronel at heneral ang nakapaghain na ng kanilang courtesy resignation kung saan 12 na lamang ang hindi pa kumakasa sa hamon ni DILG Sec. Benhur Abalos.

Facebook Comments