Nakalatag na ang seuridad para sa ikalawang plebesito ng Bangsamoro Organic Law (BOL) sa ilang bahagi ng Mindanao sa Miyerkules, February 6.
Ayon kay Philippine Army 6th Infantry Division Spokesman Maj. Arvin Encinas – tututukan ng isang brigada ng 6th infantry na may dalawang batalyon ang 39 na barangay sa North Cotabato.
Habang ang Western Mindanao Command naman ang magbabantay ng seguridad ng plebesito sa Lanao del Norte.
Dagdag pa ni Encinas – ipinatutupad na rin sa mga nasabing lugar ang “no ID, no entry” policy para mapigilang makapasok ang sinumang nagbabalak na manggulo sa plebesito.
Samantala, inilipat na rin ng Philippine National Police (PNP) sa Midsayap, Cotabato at Lanao del Norte ang nasa halos isang batalyon ng PNP-Special Action Force (SAF) na ipinadala sa unang araw ng plebesito sa Cotabato City.
Layon ng mga itong protektahan ang mga residenteng boboto at tiyaking magiging mapayapa ang plebesito.