Paghahanda sa pagsasaayos ng Southbound lanes ng EDSA-Kamuning flyover, magsisimula na sa Huwebes; mga barangay na sakop ng alternative routes, pupulungin ng MMDA

Posibleng bumigat na ang daloy ng trapiko sa EDSA simula sa Huwebes dahil sa pagsisimula ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ng paghahanda para sa pagsasara ng Southbound lanes ng EDSA-Kamuning flyover sa Quezon City sa May 1.

Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni MMDA Director for Traffic Enforcement Atty. Victor Maria Nuñez na nakikipag-ugnayan na sila sa mga ahensya para sa pagsasaayos sa tulay.

Kasabay nito, naglabas na rin ang MMDA ng mga alternatibong ruta na maaaring daanan ng mga morotista.


“Simula kagabi, nagkabit ng mga tarpaulins at traffic signages para sa alternate routes ang Department of Public Works and Highways (DPWH) kasi magkakaroon ng pagkukumpuni ng Kamuning Flyover Southbound, magsisimula yung trabaho dito ng April 25. Simula April 25, mag-board up lang muna, maglagay ng walls pero hindi pa naman totally close mag-close sa May 1. Simula sa May 1, ang pwede lang kasi dumaan doon buses ng EDSA bus carousel.”

Ayon kay Atty. Victor Maria Nuñez, magsasagawa rin sila ng pagpupulong sa mga barangay captains ng mga gagamiting alternatibong ruta para sa ipapatupad na extensive clearing operations.

“Chairpersons ng barangay captains na magpaabiso na as early as now. Yung mga sanay na mag-park sa mga nasabing kalsada kung saan gagawin ang alternatibong ruta, huwag na mag-park dahil i-intensify ang clearing operations sa mga lugar na ito at least makapagpa-abiso na ang mga punong barangay sa kanilang constitutents.”

Anim na buwang pansamantalang isasara ang Southbound lanes ng EDSA-Kamuning flyover para sa pagpapatibay sa tulay matapos itong makitaan ng malalaking bitak.

Una nang isinagawa ang pagsasaayos ng naturang flyover noong 2022 ngunit nakitaan muli ito ng mga sira na maaaring magdulot ng aksidente sa mga motorista.

Facebook Comments