Bubusisiin ng Senate Committee on Basic Education na pinamumunuan ni Senator Sherwin Gatchalian ang kahandaan ng sektor ng edukasyon para sa School Year (SY) 2021-2022.
Target ng pagdinig na suriin ang kakayahan ng mga paaralan na maghatid ng dekalidad na edukasyon sa pamamagitan ng face-to-face classes o kaya ay distance learning.
Aalamin sa pagdinig ang mga hamong kinaharap ng distance learning tulad ng kakulangan ng gadgets, problema sa kuryente, internet connection, angkop na espasyo sa pag-aaral, at kalidad ng mga modules.
Kasama rin ang kakulangan ng pisikal na pakikipag-ugnayan, labis na screen time, at mga pressure na nagiging sanhi ng depresyon ng mga mag-aaral.
Sa pagdinig ay inaasahan din ni Gatchalian na matukoy ang kahandaan ng mga paaralan para sa face-to-face classes lalo na at ang mahigit isang taong pananatili sa mga tahanan ay may hindi rin magandang epekto sa mga kabataan.