Inilalatag na ng lokal na pamahalaan ng Marikina ang traffic re-routing sa lungsod para sa mga bibisita sa mga sementeryo sa Undas.
Epektibo ito mula alas-12 ng tanghali ng Oktubre 31 hanggang alas-12 ng hating gabi ng Nobyembre 1 sa mga kalsadang malapit at patungong Loyola Memorial Park.
Bukas ang A. Bonifacio Avenue, na isa sa mga dadaanan patungo sa nasabing semeteryo na one-way eastbound traffic mula Barangka flyover hanggang Shoe Avenue stoplight.
Para sa mga pupunta ng Loyola Memorial Park, kakailanganing dumaan sa Marcos highway patungong Barangka flyover o Barangka underloop para makadaan sa A. Bonifacio Avenue.
Magsisilbi namang pasukan ang gate 2 ng Loyola Memorial Park at para makapunta doon ay dapat kumaliwa sa Plaza de Las Flores, kumaliwa sa Paspasan Street at kumanan sa Don Gonzalo Puyat Street.
Samantala, ang gate 1 na siyang main gate ng Loyola Memorial ay magsisilbing labasan, kung saan ang mga motorista ay kailangang kumanan sa Paspasan Street, kakaliwa sa Chorillo Street at kakaliwa A. Bonifacio Avenue.
Ang Riverbanks Avenue ay bukas naman sa southbound traffic, patungong Marcos highway, kaya maaaring dumaan ang mga motorista sa nasabing kalsada mula A. Bonifacio Avenue gamit ang Riverbanks Avenue.
Pinapayuhan ang mga motorista na pumarada sa pay parking area ng riverbanks mall kung puno na ang Loyola Memorial Park.
Inaasahan na rin ang mabigat na daloy ng trapiko sa Nobyembre 3 (Sabado) at Nobyembre 4 (Linggo) sa kahabaan ng A. Bonifacio Avenue.