Pinamamadali ni dating Health Secretary at Iloilo Representative Janette Garin ang pagre-release ng COVID-19 vaccines sa mga probinsya.
Giit ni Garin, handa na ang mga taong magpabakuna at maraming COVID-19 vaccines na ang dumating sa bansa pero nananatili pa ring mabagal at kakaunti ang naihahatid na mga bakuna sa mga lalawigan.
“Ready na ang mga tao. Nandito na rin ang mga bakuna sa bansa. But we still do vaccination in trickles dahil ang tagal ng pagdating ng bakuna,” sabi ni Garin.
Inihalimbawa ng kongresista ang kanilang lugar sa unang distrito sa probinsya ng Iloilo kung saan napakarami na ang rehistrado at naghihintay ng kanilang schedule na mabakunahan.
Aniya, gustuhin man nila ng malawakan at malakihang pagbabakuna ay hindi naman magagawa dahil kulang ang mismong naibibigay na COVID-19 vaccines.
“Tulad dito sa aming distrito, gusto man namin magmalawakan at malakihang pagbabakuna, hindi namin magawa dahil kulang ang bakuna. Napakarami pa man din ang rehistrado na at naghihintay ng kanilang schedule,” pahayag ng mambabatas.
Kung palagi aniyang nakadepende ang solusyon sa “sense of urgency” ng mga tao sa ground, ay tiyak na mababalewala ang efforts ng Inter-Agency Task Force (IATF) at ng gobyerno.
Dagdag ng mambabatas, madaliin na ang pagbibigay ng COVID-19 vaccines sa mga lalawigan dahil wala ring punto kung patatagalin pa sa mga cold storage ang bakuna.
“When our solution is dependent on the sense of urgency of people on the ground, the efforts of the IATF and the national government can be wasted,” ani Garin.