Inirerekomenda ni Senator Grace Poe na paghusayin pa ang paraan ng gobyerno sa paghahatid ng serbisyo sa publiko sa pamamagitan ng electronic-delivery o E-delivery system.
Sa Senate Bill 334 o “E-Government Act of 2022” na inihain ni Poe ay maaari nang mag-claim ng loan, magbayad ng buwis, mag-renew ng lisensya at iba pang transaksyon sa gobyerno gamit ang mobile phones o computers.
Makakatulong ang E-Government Program para maiwasan na ang napakahabang pila at pagkaubos sa oras ng mga Pilipino sa pakikipagtransaksyon sa pamahalaan.
Binigyang-diin ng senadora na kung maayos ang E-government strategy ay makakatulong ito para mapalakas ang productivity, mapagbuti ang transparency at matiyak ang kaginhawaan ng publiko.
Inaatasan ng panukala ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na magtatag at magsulong ng E-government master plan na magsisilbing framework para sa roll out ng online services ng mga ahensya ng pamahalaan.
Naglalaman ang master plan ng archives at records management system, online payment system, citizen frontline delivery services, gayundin ng public finance management at procurement system.
Ang nasabing master plan ay isasailalim sa review at revision kada tatlong taon.