Umaasa si House Committee on Appropriations Chairman Eric Yap na maihahatid ang agarang tulong na kailangan ng mga kababayang sinalanta ng Bagyong Odette matapos na lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P5.024 trillion na 2022 national budget.
Ayon kay Yap, ngayong pirmado na ang pambansang pondo para sa susunod na taon, umaasa siyang walang dahilan para ma-delay ang pagpapaabot ng tulong para sa mga residente sa Visayas at Mindanao na hinagupit kamakailan ng bagyo.
Dagdag pa ng ACT-CIS Partylist Representative, ngayon mismo ay kinakailangan ng sapat na budget para makabangon muli sa pagkakadapa ang mga lugar na sinira ng kalamidad.
Kaya naman, nararapat lamang na minadali ang pagpirma ng pangulo sa pambansang pondo na sakto naman para sa Bagong Taon.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Yap kay Pangulong Duterte sa mabilis na paglagda sa 2022 national budget.
Tinitiyak ng kongresista na ang 2022 General Appropriations Act ay isang COVID-19 response budget na magbibigay ng patuloy na tulong, trabaho at pagsasaayos ng buhay dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.