Pagharang ng Immigration sa Canada kay dating PNP Chief Azurin, kinumpirma ng DFA

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs o DFA ang napaulat na pagharang kay dating Philippine National Police o PNP Chief Rodolfo Azurin Jr., ng Immigration authorities pagdating nito sa paliparan sa Canada.

Binanggit ito ni Nueva Ecija 2nd District Rep. Joseph Violago sa debate sa plenaryo ng Kamara para sa 23-billion pesos na proposed 2024 budget ng DFA.

Sa pamamagitan ni Violago ay sinabi ng DFA na pribado ang lakad ni Azurin sa Canada at ng maharang sa airport ay hindi na ito nabigyan ng assistance ng Philippine Embassy dahil boluntaryo itong bumalik sa Pilipinas.


Sinabi pa ni Violago na parang nagkaroon ng “misunderstanding o misinterpretation,” at nagpaabot naman ang gobyerno ng Canada ng “regrets” dahil sa nangyari.

Ipinunto naman ni House Minority Leader Marcelino Libanan, kasama sa mandato ng DFA na bigyan ng assistance ang mga Pilipino sa abroad.

Umaasa rin si Libanan na magkapagsusumite ang DFA ng confidential reports sa tanggapan ni House Speaker Ferdinand ‘Martin’ Romualdez hinggil sa insidente.

Facebook Comments